Monday, September 14, 2009

I Want To Be There Again

Ave Maria, Purissima!

Isang malaking pagkakataon ang makasama sa Bundok ng Banahaw. Isang bundok na  sinasabing punong-puno ng misteryo.

Limang Buwan na ang nakalipas ng huli akong makapunta sa lugar na ito na matatagpuan sa Kinabuhayan, Dolores, Quezon. At masasabi kong Banal na Lugar nga ito. Sa aming paglalakbay, ang unang destinasyon namin ay sa Dambana ng Mahal na Birhen Ng Dolorosa.




Mahal na Birhen Ng Dolorosa, mayroong pitong punyal na nakatusok sa kanyang kalinis-linisang puso na naging saksi sa pagpapaka-sakit ng kanyang anak na si Hesus na ating panginoon.
1.)Ang Propesiya ni Simon.
2.)Ang Paglisan papuntang Ehipto.
3.)Ang Pagka-wala ni Hesus ng tatlong araw.
4.)Ang Pagkakita ni Maria sa kanyang Anak  na si Hesus papuntang Kalbaryo.
5.)Ang Pagpapako kay Hesus,kung saan nasa paanan niya ni Maria na kanyang Ina.
6.)Ang Pag-tanggap ni Maria kay Hesus sa kanyang mga kamay na wala ng buhay.
7.)Ang Pag-libing kay Hesus.



 
Pagkatapos naming mag-alay ng Dasal at mga Mithiin, kami ay tumuloy na sa "Sta. Lucia Falls".


  
  
 

Santa Lucia, siya ang pinakasi ng mga taong bulag o malabo ang paningin. Ang tubig ng talon na ito ay nagmumula sa ugat ng puno, ito ay malamig at nanunuot hanggang buto. Mayroon itong lagpas sa 200 na hagdan pababa.

 
Ako papuntang Sta.Lucia Falls

Nagtungo na kami sa bahay-tuluyan sa Kinabuhayan pagkatapos naming mabasbasan ng tubig galing sa talon ni Santa Lucia.




Ibinaba namin ang aming mga dalahin sa bahay kung saan kami tumutuloy. Dali -dali kaming nag-handa ng aming mga sarili patungong "Yapak o Bakas", dito makikita ang paa ng ating Panginoong Hesukristo.
 
 

Dala namin ang Krus ng aming grupo, rosaryo , kandila at Insenso papunta sa lugar na ito. Nangunguna ang insenso kasunod ang krus  at kandila .Kami ay nagdarasal habang humahakbang ang aming mga paa sa lugar na aming pupuntahan.Madali kaming nakarating dahil hindi naman ito masyadong malayo sa aming tinutuluyan.Pagdating namin kami ay nag-dasal at umawit ng papuri na galing sa aming mga puso.Natapos kami at nagpahinga. Pagod nga ang aming mga katawan ngunit masigla ang aming mga Kaluluwa.

Kinabukasan, nag-tungo naman kami sa "Kweba ng Eden" isang kilometro lamang galing sa yapak.(pasensya na po walang kuha kasi madilim tanging kandila at flashlight lamang ang aming nagsisilbing ilaw.)Makikita sa bungad ng kweba ang imahe ng Muling Pagkabuhay ni Hesus at ang malaking buhay na bato sa gitna nito. Sa loob, maraming mga santo ang makikita at sa pagpasok namin sa makipot na daan, isang malamig na pakiramdam ang sumalubong sa amin na nangga-galing siguro sa bato ng kweba. Sa dulo makikita ang "Balon ng Eden" na may Mahal na Birhen ng Lourdes sa tabi nito. Isa-isa kaming pina-luhod at binuhusan at pina-inom ng tubig ng tatlong beses. Muli kong naramdaman ang malamig ngunit napaka-sarap sa pakiramdam na tubig na dumaloy sa akin.
 
Muli na naman kaming sinalubong ni Haring Araw. At sa araw na ito kami ay magtutungo sa "Kalbaryo" ayon sa sinabi ng Mahal na Ama sa Luklukan niya. Lalaki lamang ang maaaring mag-tungo sa kalbaryo at ang mga Babae ay sasalubong sa kabila na magdaraan naman sa Sta. Lucia.

Kami ay nakasuot na pulang damit at garbage bag sapagkat maulan-ulan din ng araw na iyon. Sa aming paglalakbay, Una naming tinungo ang tinatawag na "Trecos Pecos", madaraan bago magtungo ng Kalbaryo.

 
Ang Pag-salubong ng Ulap sa amin.


Sa aming pag-akyat ay puro matatalim na bato ang makikita at daraanan, mayroon ding mga sing-laking taong damo kaya't ang suot namin ang mahahaba maliban na lamang sa mga kasama naming makukulit (keneth at michael...na kumakain pa habang umaakyat kami.)na hindi nagsuot ng mahaba. Pagdating namin sa tuktok ng Kalbaryo ay sinalubong kami ng ulap at patuloy itong lumapit sa amin ,Na sa tanang pag-akyat ng mga naunang miyembro.Si kuya boy ngayong lamang ito nangyari.(at sila ay gumawa ng video clip  habang kami ay nasa tuktok) Halos mawala sa paningin namin ang katabing Bundok ng Kalbaryo (ang Bundok Ng Cristobal, Salakot atbp). Kami ay nag-pasalamat at bumaba na. Sa aming pagbaba, madaraanan ang "Kweba ni San Roque". Nag-patuloy kami sa paglalakad ,kami ang nauna sa mga babae at sandali namin silang hinintay.Di naman katagalan at sila'y dumating na may dala ng mga kakainin namin. Dito kami kumain sa munting kubol na ito.

Pagkatapos naming mag-tanghalian kami ay nag-tungo na sa "Kweba ni San Jacob" na sinasabing lumiliit ang daraanan pag-ika'y lubhang makasalanan.Patungo rito madaraanan ang "Kweba ng Mahal na Birhen ng Inang Laging Saklolo".





Ang Kwebang ito ay makipot at patusok ang anyo ng bato. Kailangan ikaw ay naka-paa lamang sa pagbaba mo sapagkat hindi kakapit ang suot-suot mong balot sa paa. at pag-galang na rin sa balong ito.Sa ibaba makikita ang pahalang na tubig na may hagdanan pababa. Sabi nila ito daw ay malalim. Isa-isa o dala-dalawa lamang ang pwedeng bumaba dahil mabilis maubos ang hangin sa loob. Kami ay binuhusan ng tatlong beses at pina-inom pagkaraan ay lumabas na kami upang ang iba naman ang makapasok.Masaya kaming umalis sa lugar na ito at umuwi na rin. Sa aming pag-uwi nadaanan namin ang  tindahan ng bukayo ,isang uri ng minatamis na buko. Masaya kaming bumili.kami ay nag-tuloy na upang makapag-pahinga para sa kinabukasan may bago na naman kaming tatahakin.

Pagdating namin sa bahay na aming tinutuluyan ay naisipang pumunta ni Kuya jordan na mag-tungo sa "Kristalino Falls" kasama sila michael at Kuya Val nagsama din sila ng isang Guide. Hindi na kami sumama pagkat sadyang nagbago na ang anyo ng lugar. Ayon nga kila Kuya Jordan ang kristalino ay napapaligiran na ng mga damo at tanging maliit na tent lamang ang ka-kasya hindi tulad ng nakaraang taon na malawak at malinis.

Ang tubig -ulan naman ang sumalubong sa amin sa araw na ito ngunit patuloy kaming nag-lakbay sa "Tatlong Tangke" sinamahan kami ng isang guide.Naiwan sa ibaba ang Luklukan dahil sa hindi maganda ang kanyang pakiramdam. Sa aming pag-akyat kasama pa rin namin ang Krus at Insenso na aking dala-dala. Ako ang nag-le lead ng dasal kapalitan ko si Ate Mel, si Mang Rey naman ang may hawak ng Krus. Nasa hulihan sila Kuya Jordan at Kuya Val gayundin sina michael at keneth na kumukuha ng litrato at gumagawa ng mumunting video clip. Sa aming paglalakad may nakasalubong kaming dalawang bata na hindi na nakuhang mangahoy at naki-sunod na sa amin. Pagdating namin sa tuktok nasabi ko Tatlong balon pala ang sinasabi nilang tatlong tangke dito makikita mo rin ang ibaba, mga halaman at puno, na hindi mo lubusang maisip kung saan ka nagdaan.Kami ulit ay nag-alay ng dasal ,awitin at mga mithiin. Dito kami kumain sa tuktok at napaka-sarap damhin ang paligid kahit na uma-ambon. May kaunting tawanan at biruan ngunit dahil sa baka lumakas ang ulan napilitan kaming bumaba. Nag-paalam kami at nag-pasalamat.

Ilang araw din kaming nakipamahay at naki-salamuha sa  kapaligirang ito at talagang napaka-sarap damhin ang presencia ng Diyos.

Sa pagpunta ko sa lugar na ito in behalf of our group "Samahan ng Kristong Hari at Sto. Niño De Amor" masasabi kong  "Ang Misteryo na bumabalot sa lugar na ito ay hindi mo kayang maarok. Ang kailangan mo ay harapin at buksan ang iyong puso't isipan gayundin ang damdamin upang madama mo ang tunay na kahalagahan ng lugar na ito, Walang ibang magsasabi ng tunay at katotohanan ukol sa misteryo ng lugar na ito kundi ang sarili mo lamang. Ika'y magpunta upang makita at madama mismo ng mga mata at katawan mo ang mga misteryong ito at muling mabuhay ang espiritu na sa iyo'y nakapa-loob."

No comments:

Post a Comment